KABACAN, Cotabato-PATAY ang isang lalaki matapos mabaril ng sundalo makaraan magkainitan umano sa inuman nitong Sabado sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Levi Bryan Gaanan Cardinez, 33 anyos, at residente ng Tagum City habang ang tugis naman ang suspek na kinilalang si PFC Leif Jancene Montano Francelizo, 32.
Batay sa report ng Kabacan Municipal Police Station, bandang 12:55AM ng maganap ang krimen sa Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang magkahiwalay na grupo nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Para matigil ang pagtatalo nagpasyang umalis ang suspek subalit hinabol umano ng biktima sakay ng kulay gray na Ford na sasakyan at binangga nito si Francelizo.
Nagalit ang suspek at pinagbabaril nito ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan saka tumakas.
Itinakbo naman sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo mula sa .45 kalibre na baril.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen./Mary Anne Sapico