Home METRO Pinakamatandang shopping mall sa Baguio City nagliyab!

Pinakamatandang shopping mall sa Baguio City nagliyab!

Larawan mula sa Facebook (Andy Zapata Jr./The Philippine STAR)

BAGUIO CITY- Nasunog ang bahagi ng Maharlika Livelihood Complex, pinakamatandang shopping mall sa lungsod nitong Martes, base sa mga awtoridad.

Nagsimula umano ang sunog sa isa sa mga stall sa ikatlong palapag ng gusali bandang ala-1 ng madaling araw.

Iniimbestigahan pa ng mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Baguio ang mitsa ng sunog.

Walang naiulat na nasugatan, at sinusuri pa ang lawak ng pinsala.

Batay sa inisyal na ulat mula sa BFP, inalerto umano sila ng isang security guard sa Maharlika hinggil sa sunog.

Agad na rumesponde ang mga bumbero at napigilan ang pagkalat ng apoy.

Idineklarang under control ang sunog ng alas-4:09 ng madaling araw at tuluyang naapula pagtuntong ng alas-4:30 ng madaling araw.

Binuksan noong 1982 sa ilalim ng Human Settlements Development Corporation, pinasinayaan ang Maharlika Livelihood Complex Center ni First Lady Imelda Marcos, nagsilbing human settlements minister. RNT/SA