Home HOME BANNER STORY Pinas bilang “ISIS training hotspot” pinalagan ni PBBM

Pinas bilang “ISIS training hotspot” pinalagan ni PBBM

284
0

MANILA, Philippines – IBINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtawag sa Pilipinas bilang isang “ISIS training hotspot” kasunod ng ulat na ang mga suspek sa Bondi Beach shooting incident ay pumunta sa bansa.

Sa press briefing sa Malacañang, hiningan ng reaksyon si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ukol sa ulat na tinawag ang Pilipinas bilang “ISIS training hotspot.”

“Of course, the President strongly rejects this sweeping statement and the misleading characterisation of the Philippines as an ISIS training hotspot,” ayon kay Castro.

Sa kabilang dako, sinabi ng National Security Council (NSC) sa isang kalatas na binasa ni Castro na ang naturang characterisation ay “misleading.”

“Currently, there is no validated report or confirmation that the individuals involved in the Bondi Beach incident received any form of training in the Philippines,” dagdag pa ni Castro.

Idinagdag pa ni Castro na patuloy na bineberipika ng Philippine authorities ang lahat ng impormasyon, subalit wala umanong ebidensiyang magpapatunay na ang bansa ay ginagamit para sa terrorist training.

Winika rin ni Castro na simula ng Marawi siege ay nagawa ng Philippine law enforcement agencies na i-degrade ang mga ISIS-affiliated groups sa bansa.

Sa ulat, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na bumisita sa Pilipinas noong Nobyembre ang umano’y mag-amang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Australia, na ikinasawi ng 16 katao at ikinasugat ng 40 iba pa.

Inihayag ito ng BI sa harap ng isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Australia kung bakit nagpunta at ano ang ginawa sa Pilipinas ng mga suspek na sina Sajid Akram, 50-anyos, at Naveed Akram, 24-anyos.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, dumating sa bansa noong Nobyembre 1 mula sa Sydney ang dalawang suspek.

Idinagdag ni Sandoval na isang Indian national (Australian resident) si Sajid, habang Australian national naman ang kanyang anak.

Naging final destination sa Pilipinas ng mag-ama ang Davao.

Umalis naman ng Pilipinas ang dalawa noong Nobyembre 28 na may connecting flight mula Davao patungong Maynila, at Sydney bilang final destination.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), batid nila ang mga media report tungkol sa posibleng koneksyon ng mag-ama sa terrorist groups.

Subalit sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na wala pa silang validated information upang kumpirmahin ang nasabing ulat.

Samantala, nangyari ang pamamaril sa Bondi Beach noong Disyembre 14 habang idinadaos ang Jewish holiday celebration na Hanukkah.

Nasawi rin ang ama na gunman. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here