MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na nananatili sa ilalim ng blue alert status ang bansa habang may bagong low-pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na maaaring magdala ng malakas na pag-ulan kahit nakalas na ng bansa ang Tropical Storm.
Sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo sa Bagong Pilipinas public briefing, na nagpapatuloy ang kanilang kahandaan, na may relief goods at medical supplies na naka-preposition sa pakikipagtulungan sa mga regional offices, local government units, at iba pang response agencies.
“Hindi na po ibinaba yung blue alert status. So naka-standby pa rin po para doon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan at mga komunidad, dito po ang ating response agencies,” ani Castillo.
Iniulat ni Castillo na may 11,300 pamilya ang apektado ng pinagsamang epekto ng southwest monsoon (Habagat) at Tropical Storm Isang, na may iniulat na pagbaha sa ilang lugar sa Mindanao at Luzon.
“So far po, meron pa tayong battle areas sa BARMM, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, tatlong areas po ito doon… Ang mga ibang areas like in NCR, yung mga binaha sa NCR, subside na po ang binahang areas na ito,” aniya pa rin.
Tinuran ng OCD na nagpapatuloy ang pre-disaster risk assessments at scenario-building sa pakikipagtulungan sa regional disaster councils na inaasahan nang kakailanganin ng mga apektadong komunidad. /Kris Jose