Home OPINION PINAS, SAAN KAYA PATUTUNGO?

PINAS, SAAN KAYA PATUTUNGO?

286
0

HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, nagkagulo sa kalsadang papunta sa Ayala Bridge at Malakanyang mula sa parteng Taft Avenue-Ayala Avenue.

Walang nakatitiyak kung nagmula ang mga raliyesta sa Luneta rally o sa paligid.

Kitang-kita sa mga video kung paano sinunog ang isang container van sa kalsada at pinagbabato rin ito, gayundin ang mga pulis na naroroon sa lugar.

May mga naaresto sa raliyesta na karamiha’y kabataan at naka-blackshirt.

Wala namang nakatitiyak kung saan dadalhin ang mga naaresto.

Wala pang tiyak din kung anong grupo nakaugnay ang mga ito — kung sa mga nag-rally sa Luneta o sa Edsa Shrine o sa iba.

DDS VS GRUPONG LUNETA

Sigawan at girian naman ang naganap malapit sa Luneta sa pagitan ng mga Diehard Duterte Supporters at mga raliyesta sa Luneta.

Sa grupong Luneta, malinaw ang linya ng mga ito: Wala silang kinikilalang sinomang naging Pangulo ng Pilipinas at nilalahat nila ang naging Pangulo, kasama si Pang. Bongbong Marcos, sa kanilang tinutuligsa.

Tinawag namang mga komunista ng mga DDS ang mga ito at inaya ang ilang Luneta raliyesta na sumama sa kanila.

Lumitaw na sa Liwasang Bonifacio nagdaos ng kanilang protesta ang mga DDS.

May mga raliyesta naman sa Luneta na nagsabing lalakad sila patungong Edsa para lumahok sila sa grupong doon pinili ang pag-rally.

DDS SA EDSA

Nahati rin ang mga raliyesta sa EDSA.

May mga kumampi sa DDS at sinabing pupunta sila sa Liwasang Bonifacio, kasama ang ilang heneral ng military at pulisya.

Ang mga grupo na pinamumunuan ng religious groups ay tdati nang tatak Edsa at pinanatili nila ang lugar na pagdausan ng kanilang rally.

MARCOS RESIGN AT IBA PA

Kontra-Marcos at kontra-Duterte ang tila diwa ng mga dati nang gumagamit sa Edsa at karugtong ng mga ito ang nag-People Power noong 1986 ngunit hindi kontra-Aquino.

Kontra Marcos din ang mga DDS at ilang heneral ng military o pulisya.

Marcos resign ang sigaw!

At kung sasali ang ilang taga-Luneta sa Edsa na kontra Aquino, Marcos, Duterte at Macapagal-Arroyo, saan hahantong ang Edsa rally?

Maaaring magkatensyon sa pagitan ng mga grupo ngunit maaaring paiiralin nila ang bigayan sa kabila ng kani-kanilang mga batayang tunggalian.

KUNG MAGTATAGAL ANG MGA RALLY

Kung magtatagal ang mga rally sa mga darating na araw, magkakahiwalay man sila o magkakaisa sa anomang dahilan bagama’t hindi nagkakasundo sa maraming bagay, posibleng magkaroon ng tensyon sa pagitan na lang ng mga raliyesta at pamahalaan.

Alalahaning nababakuran ngayon ang Malakanyang ng libo-libong pulis at sundalo at mas matindi pa ang ginagawa ng mga ito sa pag-lockdown sa sentro ng kapangyarihan ng bansa kumpara sa lockdown noong mga araw ng Covid-19.

At anomang pagtatangka na bunutin ang sinomang haring nakaupo sa Malakanyang, maaaring harapin hindi lang ng mga batuta kundi pulbura at tingga — na bahagi na ng ating kasaysayan.

Ano nga kaya ang darating na mga pangyayari na umuusok mula sa korapsyon at pandarambong?

Saan kaya patutungo ang lahat?

Sabi ng isang nagpoprotestang heneral, may ugong-ugong na mag-martial law.

Isa ba ito sa maaaring kahantungan ng lahat?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here