USA – Kulong ang isang Pinoy na isang cruise ship crew sa Amerika dahil sa paglalagay ng mga hidden camera sa banyo ng kanilang mga guest– kung saan menor de edad pa ang iba rito.
Kinilala ang suspek na 34-anyos na Pinoy na nagtatrabaho bilang stateroom attendant sa Symphony of the Seas.
Umamin naman ang Pinoy sa paglalagay ng mga hidden camera sa mga banyo.
Nagtatago rin umano kung minsan sa ilalim ng kama ang suspek para mai-video ang ilang guest habang nagbibihis.
Nabuking ang kalaswaan ng suspek matapos na mapansin ng isang biktima na menor de edad ang hidden camera sa ilalim ng lababo ng banyo na nasa loob ng kuwarto.
Nagsumbong ang biktima sa security personnel ng cruise ship at sa isinagawang imbestigasyon nakita ng ship security ang pagpasok ng suspek sa kuwarto ng biktima.
Inaresto nila ang Pinoy at idinetine hanggang sa makarating sila sa pantalan ng Florida kung saan ipinaubaya na ang suspek sa mga pulis.
Nakadetine ang suspek sa Broward County Jail habang hinihintay ang kaniyang pagdinig sa korte para sa mga kasong six counts of video voyeurism, producing child pornography, at possessing child pornography. RNT