MANILA, Philippines – Maaaring mauwi sa isang “reverse trial” ang kasong plunder na isinampa laban kay Sen. Rodante Marcoleta, kung saan manonood na lamang ang mga piskal habang mismong si Marcoleta ang makikipagtalo laban sa ebidensiyang siya rin ang naglatag, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Ani Lacson, mistulang gumawa si Marcoleta ng isang “admission against interest” sa telebisyon nang aminin nitong tumanggap siya ng mga cash donation para sa kanyang kampanya sa pagkasenador habang nagsisilbi bilang kongresista, ngunit hindi niya ito idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
“REVERSE TRIAL: The prosecutor may just sit and watch with folded arms while the respondent argues against himself and the damning evidence that he himself presented in plain view of all the witnesses who watched his ‘admission against interest’ on national TV,” ani Lacson sa X.
Sa panayam sa DZMM radio, tinanggihan din ni Lacson ang paratang na ang kaso laban kay Marcoleta ay isang uri ng panggigipit, dahil kay Marcoleta mismo nanggaling ang ebidensya.
“Ang panggigipit, pinagpilitan hanapan ng ebidensya para makasuhan. Ito nga sabi ni Ombudsman Remulla, hindi na kami kailangang maghanap. Siya na nagpresenta ng evidence… Anong magiging panggigipit kung yan ang inaakusa nila sa Ombudsman o gobyerno o kanino man? Di naghanap ng evidence ang Ombudsman eh. Nalaglag sa lap nila ang evidence. (At) meron silang responsibility o mandate, kapag ganyan motu proprio. Nandiyan na lahat,” aniya.
Noong Biyernes, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Marcoleta at tatlo pang iba kaugnay ng tinatayang P75 milyong hindi idineklarang campaign contributions para sa kanyang kandidatura sa Senado noong 2025.
Sinampahan din si Marcoleta ng tatlong bilang ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng mga regalo habang nanunungkulan.
Kinasuhan din sina dating Kinatawan Michael Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Nagdeklara si Marcoleta ng net worth na P51 milyon noong nakaraang taon at iniulat na gumastos ng P112 milyon para sa kanyang kandidatura sa Senado. Inamin niya sa telebisyon na natanggap niya ang naturang mga pondo sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon noong Enero 2025, ngunit hindi niya idineklara ang mga ito dahil nais umanong manatiling anonymous ang mga donor.
Iginiit ni Marcoleta na dahil natanggap niya ang mga pondo isang buwan bago magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya, naging “personal funds” na ang mga ito.
Ngunit sinabi ni Lacson na nilabag pa rin ni Marcoleta ang batas at malinaw na nagkaroon ng “admission against interest” dahil isa pa rin siyang opisyal ng pamahalaan noon bilang kinatawan ng SAGIP Party-list sa Kamara de Representantes.
“I guess Senator Marcoleta and his legal team thought they were being smart by being technical about when these contributions were made. Pero ang nakakatawa Mr. President ay, wala nang mas lilinaw sa sariling pag-amin ni Senator Marcoleta – tumanggap sya ng pera para magkaroon sya ng utang na loob sa mga taong iyon – isang maliwanag na Admission against Interest, ang sabi nga ng mga abogado,” ani Lacson sa kanyang privilege speech noong Marso. Ernie Reyes