MANILA, Philippines – SUPORTADO ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang ipatupad ang mandatory bag inspection sa mga paaralan sa buong bansa upang higit na mapalakas ang seguridad sa mga campus.
Ayon sa PNP, ang panukala ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamagitan ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na paigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng mga paaralan.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na makatutulong ang mandatory bag inspection upang mapigilan ang pagpasok ng mga nakamamatay na armas at iba pang ipinagbabawal na gamit sa loob ng mga paaralan.
“The PNP fully supports the strengthening of security protocols in schools to ensure the safety of students and teachers following recent threats of violence.”
Pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) ang panukala kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante. Ayon sa DepEd, isinaalang-alang din nito ang laki ng mga paaralan dahil maaaring magkaroon ng logistical challenges sa pagpapatupad ng bag inspection sa malalaking campus.
Tiniyak ni Nartatez na handang tumulong ang PNP sa pagpapatupad ng polisiya kapag ito ay naaprubahan.
“Our personnel can assist in enforcing these policies once they have been finalized and approved by the concerned authorities.”
Dagdag pa niya, patuloy na makikipag-ugnayan ang PNP sa mga opisyal ng paaralan upang higit pang mapalakas ang campus safety at security protocols.
“The PNP will continue to coordinate with school officials across the country to further strengthen campus safety measures and security protocols.” Santi Celario