MANILA, Philippines- Panibagong kontrobersiya ang haharapin ng Philippine National Police sa pagdakip sa Chinese spy na si Guo Huang Ping o alyas Alice Guo dahil ipatatawag sa susunod na pagdinig ang intel group na gumamit sa isang textbook scammer upang madakip ang dating alkalde.
Sa panayam, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na gusto nitong humarap sa susunod na imbestigasyon ng Senado ang PNP Intelligence Group na kumalap kay Mary Ann Maslog upang mamagitan sa pagdakip kay Guo.
Sangkot si Maslog, na nagpalit ng pangalan bilang Jessica Francisco, sa textbook scam noong 1998 na hindi nahatulan dahil pineke nito ang kanyang pagkamatay noong 2019 at nagpalit sa naturang pangalan.
Humarap si Maslog sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa ilegal na operasyon ng POGO sa bansa na nakumpirma na ginamit siya ng PNP upang mamamagitan sa pagsuko ni Guo.
Inamin ni PNP-IG former Officer-in-Charge Brigadier General Romeo Macapaz na kumilos ang pulisya kasama si Maslog upang pasukuin si matapos idahilan ni Maslog na malapit siya sa abogado ng dating alkalde.
Sa puntong ito, matinding natulala ang lupon na nag-iimbestiga sa illegal POGO dahil naniwala ang PNP intelligence group sa isang kriminal na sangkot sa ilang anomalya tulad ng P24 milyong textbook scam.
“Naalala ko ‘yun eh 1999 ‘yun eh. Bagong miyembro ako ng Kongreso nun eh. At naalala ko rin ang ginamit niyang ahente doon magaganda eh kaya marami siyang nakuhang parokyano sa Kongreso nun eh. Hindi ako isa doon ha,” ayon kay Escudero sa press conference nitong Huwebes.
“Ang mas dapat ipatawag siguro yung mga IG, ‘yung mga intelligence officers natin na bakit pa siya pinaniniwalaan? Bakit pa siya ginagamit?” giit pa niya.
Naniniwala din si Escudero na makatuwiran ang katanungan ni Senador Ronald Dela Rosa na kahit galing sa Palasyo ang nag-utos kay Maslog na papirmahin si Guo sa isang affidavit na isinasabit niya, kabilang si dating Pangulong Duterte at iba pa sa illegal POGO operations.
“May karapatan si Senator Bato na tanungin ‘yung mga nais niyang ipukol na katanungan sa kanila base sa impormasyon na nakuha o binigay sa kanya,” ayon sa lider ng Senado.
HInggil naman sa kuwestiyon na isang Chinese spy si Guo, sinabi ni Escudero na bahala nang magdesisyon at umungkat ang korte dahil tanging pinagbabasehan ang pahayag mula sa isang dayuhan na nakakulong sa abroad.
“Isa ‘yun sa dapat i-pursue ng authorities, di na siguro trabaho ng Senado pa ‘yan na ipatawag o magpadala ng team doon. Pangalawa, kaya nga nais muling tignan ng DND ang ating Anti-Espionage Act dahil sa totoo lang wala yatang batas, kung di ako nagkakamali, na nagpaparusa sa isang spy,” ayon kay Escudero.
Hinayaan din ni Escudero si Senador Risa Hontiveros na magsagawa ng mas marami pang pagdinig ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa POGO. Ernie Reyes