Home NATIONWIDE PNP: Kaso vs Sen. Robin, tuloy sa kabila ng pagbalik ng DOJ...

PNP: Kaso vs Sen. Robin, tuloy sa kabila ng pagbalik ng DOJ sa reklamo

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na hindi maaapektuhan ang kasong obstruction of justice laban kay Senador Robin Padilla kahit ibinalik ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo dahil sa kakulangan ng ilang dokumento.

Ayon kay PNP Public Information Chief Col. Allen Rae Co, bahagi lamang ito ng normal na proseso sa ilalim ng Department Circular 20 (DC 20), na nagtatakda ng masusing koordinasyon sa pagitan ng DOJ at mga law enforcement agency.

“As I understand, this is within the working mechanism of DC 20, the close coordination and cooperation between the DOJ and law enforcement agencies,” ani Co.

“So, there is something lacking. It does not mean anything about the case. It doesn’t affect the case at all,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Co na kapag nakumpleto na ang mga kinakailangang dokumento, muli nilang isusumite ang reklamo sa DOJ.

Ang obstruction of justice complaint ay isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos umanong makatulong si Padilla sa pag-alis ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado noong Mayo 14.

Si Dela Rosa ay hinahanap ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang umano’y papel sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon sa CIDG, nagkaroon si Padilla ng “indispensable cooperation” sa pagtakas ni Dela Rosa. Itinanggi naman ni Padilla ito at sinabing nakisabay lamang sa kanyang sasakyan ang senador at bumaba sa Makati City nang hindi sinasabi kung saan tutungo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here