Home NATIONWIDE PNP magpapakalat ng higit 27K tauhan ngayong Undas

PNP magpapakalat ng higit 27K tauhan ngayong Undas

MANILA, Philippines- Mahigit 27,000 pulis ang ipakakalat ngayong Undas, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi ng PNP nitong Martes na pinaiiral nito ang full alert upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pagbisita sa mga sementeryo at para na rin sa post-election security.

Ani PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, mahigit 4,000 assistance desks ang itatalaga at magpapatrolya rin ang security personnel sa tourist spots.

Pinayuhan ni Fajardo ang publiko na iwasang magtungo ang vulnerable individuals sa sementeryo.

“Ingatan niyo rin po ang mga gamit, lalo ‘pag magta-travel kayo gamit ‘yung mga public transportation natin. Huwag po tayo magdala ng malalaking amount ng pera,” pahayag ni Fajardo sa isang panayam.

“Ingatan n’yo po ang inyong gadget, mga cellphones n’yo, huwag n’yo basta ilagay sa likod ng inyong bulsa kasi sa crowded, minsan nadukutan po kayo without you knowing,” dagdag niya.

Hinikayat din ni Fajardo ang mga bumibisita sa sementeryo na magdala ng tubig at iwasang huwag matutulis na bagay.

Aniya, pagnanakaw at physical injury ang mga karaniwang krimen tuwing Undas dahil sa kumpulan ng mga tao. RNT/SA