MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa “quishing,” isang uri ng scam na gumagamit ng mapaminsalang QR code upang nakawin ang personal, financial at banking information ng mga biktima.
Hinimok ni PNP-ACG chief Maj. Gen. Wilson Asueta nitong Miyerkules ang publiko na tiyaking lehitimo at mula sa awtorisadong source ang QR code bago ito i-scan.
“Hindi lahat ng nakapost sa QR stores ay nilagay ng authorized owner ng QR code. Mag-ingat tayo, doon lang tayo sa mga legitimate at authorized QR code na binigay sa inyo. Palagi tayong maging mapanuri dito kasi maraming nagbibigay ng QR code para mag-access kayo doon to get information especially asking for money, of course to include yung mga personal information na nandun sa inyong response sa QR Code,” ani Asueta.
Nakatanggap na umano ang PNP-ACG ng mga ulat tungkol sa mga indibidwal na matapos mag-scan ng QR code ay dinala sa mga mapanlinlang na website at hinikayat na magbigay ng personal at financial information.
“Itong scams, nag-eevolve din ito sa trend ng technology. Kaya ang sinasabi ko kailangan laging tandaan maging mapanuri at huwag magpaloko,” dagdag niya.
Sinabi ni Asueta na makikipagtulungan ang PNP-ACG sa Department of Trade and Industry, na nagmomonitor sa online selling activities, upang matukoy ang mga scammer at makakuha ng cyber warrants kung kinakailangan.
Bumaba naman sa 4,509 ang online scam cases mula Enero hanggang Hunyo 2026, mula sa 5,526 insidente sa kaparehong panahon noong 2025. Iniugnay ni Asueta ang pagbaba sa cyber awareness campaigns at pakikipagtulungan ng media, pamahalaan, pribadong sektor at financial institutions.
“Our cybercops remain relentless in pursuing cybercriminals and strengthening our operational efforts to ensure a safer and more secure cyberspace for all,” ani Asueta.
Samantala, wala pang namomonitor na cybersecurity threat ang PNP-ACG bago ang ikalimang State of the Nation Address ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, ngunit pinaigting na nito ang online monitoring.
“We haven’t seen a threat so far, but we are monitoring who might take advantage of the situation,” sinabi ni Asueta.
Kabilang sa binabantayan ang posibleng misinformation, coordinated influence operations, phishing attacks at online scams na maaaring lumitaw habang idinaraos ang SONA.
“We want to assure the public that no one will create chaos or create alarm, especially for public order at the venue of the Sona,” dagdag niya. Santi Celario