Home OPINION PNP NAGBIGAY NG BABALA KONTRA GLUE LADIES AT VACATION SCAMS

PNP NAGBIGAY NG BABALA KONTRA GLUE LADIES AT VACATION SCAMS

PINAG-IINGAT ng PNP o Philippine National Police ang publiko lalong-lalo na ang senior citizens at ang mga mahilig mag-book online ng mga pakete ng bakasyon sa dumaraming kaso ng Glue Ladies at Vacation scams.

Ayon sa PNP, pangunahing target ng mga glue ladies ang mga nakatatanda na kumukuha ng pera sa mga ATM o automa­ted teller machine.
Ganito ang kanilang modus operandi, palihim na lalagyan ng manipis na ruler na may glue ang bahagi ng cash dispen­ser ng ATM, maiipit ang paglabas ng pera na aakalain naman ng senior citizen na nag-withdraw na technical glitch lamang. Sa kanyang pag-alis, kaagad na papasok ang miyembro ng sin­dikato at kukunin ang ruler kung saan nakadikit na ang perang papel.
Isa pa nilang pamamaraan ayon sa PNP ay ang paglalagay ng glue sa command keys ng ATM para hindi magtuloy ang biktima sa transaksyon, pero mayroon ding glue sa pinaglagyan ng ATM kaya hindi ito iluluwa ng machine. Dito papasok ang kasabwat na kasunod ng biktima sa pila at magmamagandang loob na tulungan ang matanda.
Kukumbinsihin siyang ipagpatuloy ang transaksyon, tatandaan nito ang PIN, pero dahil naka-glue, hindi pa rin gagana ang ATM. Doon papayuhan ng kasabwat ang matanda na humingi ng tulong sa loob ng bangko. Sa kanyang pag-alis, mabilis na kukunin nito ang ATM at itatakbo. Agad nitong lilimasin ang pera gamit ang ibang ATM machine.
Minsan ay nagpapanggap din na empleyado ng bangko ang maglalahad ng tulong sa senior citizen.
Inatasan na ng PNP ang SOSIA o Supervisory Office for Security and Investigation Services na magsagawa ng malawakang information campaign drive para hindi na dumami pa ang mabibiktima ng sindikato.
Isa pang dapat pag-ingatan ay ang vacation scam kung saan may mga nagpapanggap na lehitimong establisimyento na nag-aalok ng bakasyon sa murang halaga lamang.
Kakagatin ito ng biktima, siya ay pagbabayarin, papadalhan pa ng pruweba ng naging transaksyon, pero sa oras ng bakasyon, wala namang naganap na reservation. Nakahihiya na, doble o triple pa ang magiging gastos.
Payo ng PNP, paka-siguruhin na lehitimo ang inyong kausap, hangga’t maaari ay sa mismong social media site ng resort o hotel makipagtransaksyon at hindi sa kung saan-saan lamang nabasa sa social media.
Sa datos ng ACG o Anti-Cybercrime Group, umabot sa 313 ang naitalang mga kaugnay na kaso o pagtaas ng 243.95% kum­para sa 91 lamang na insidente noong 2022. Pero ngayon pa lamang January 2024 hanggang February 2024 ay nasa 35 na ang natanggap na reklamo ng ACG.

Previous article2 sa 6 mangingisdang nawawala sa Surigao nailigtas
Next articlePolice regional directors pinatatawag ng Kamara sa illegal gambling issue