MANILA, Philippines – Ang pag-recall sa mga pulis mula sa mga tungkulin sa proteksyon sa seguridad ng iba’t ibang personalidad, kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno, ay naglalayong bigyang-katwiran ang kanilang deployment sa mga operasyong pangseguridad,
Ito ang naging paliwanag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen Rommel Francisco Marbil matapos kumpirmahin ni Vice President Sara Duterte na 75 na tauhan ng PNP Police at Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa kanya ang na-relieve na.
Sinabi ni Marbil na may naunang koordinasyon sa Office of the Vice President (OVP) bago na-pull out ang mga pulis na nagbibigay ng proteksyon sa seguridad.
“Kinausap namin, ang PSPG natin, ‘yung chief of staff ng ating VP na yung mga tao kasi marami na sila. We asked them na pwede namin ilipat (and) nilipat namin na kailangan sa NCR [National Capital Region],” aniya sa isang pahayag.
Aniya, ang seguridad ng VP ay nasa ilalim ng Presidential Security Group (PSG) at ang PSPG ay umaakma lamang sa mga detalye ng seguridad.
Sinabi ni Marbil na kailangan nila ng mas maraming opisyal na itatalaga sa mga lansangan para lalo pang mapalakas ang peace and order measures, lalo na sa mga urban areas.
Sa ilalim ng mga patakaran ng PNP, tanging ang PSPG lamang ang pinapayagang magbigay ng protective security personnel sa mga may balidong banta sa seguridad sa kanilang buhay. RNT