MANILA, Philippines – Inilagay ng Philippine National Police (PNP) sa alerto ang kanilang mga emergency at disaster response units upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng Bagyong Francisco (Mekkhala) at ng pinalalakas nitong Habagat.
Inatasan ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pag-activate ng mga emergency response team sa buong bansa habang patuloy na lumalakas ang bagyo sa Philippine Sea.
Ayon kay Nartatez, sinusunod ng mga police unit ang mga disaster response protocol at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon para sa kaligtasan ng publiko.
Aniya, prayoridad din ng PNP ang pakikipagkoordinasyon sa mga LGU para sa mga posibleng preemptive evacuation at iba pang hakbang sa mga maaapektuhang lugar.
Hinimok ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga opisyal na abiso habang patuloy na nagbabago ang lagay ng panahon.
Batay sa ulat ng PAGASA alas-5 ng umaga noong Lunes, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Batanes, mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana sa Cagayan, at silangang bahagi ng Babuyan Islands kabilang ang Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalo pang lalakas si Bagyong Francisco at maaaring maabot ang pinakamalakas nitong lakas sa Martes. RNT/MND