MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) ang pagbawi sa gun license ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Civil Security Group-Firearms and Explosives Office (CSG-FEO) servicing legal officer Police Lieutenant Colonel Domer Tadeo na nagmula ang rekomendasyon sa Firearms License Revocation and Restoration Board (FLRRB).
“The FEO board recommends to cancel,” Tadeo said.
Nakabinbin pa ang pinal na pag-apruba ni FEO chief Police Brigadier General Jose Manalad Jr. bago ito maipatupad.
Ayon kay Tadeo, nagsagawa na ng motu proprio investigation ang FEO noong nakaraang linggo kahit bago pa man ang pormal na kahilingan ng National Bureau of Investigation (NBI) na kanselahin ang firearms license ni Dela Rosa.
Binanggit ng board ang Republic Act 10591 bilang batayan ng kanselasyon dahil sa nakabinbing kasong kriminal na may kaparusahang higit sa dalawang taon.
Sinabi rin ni Tadeo na posibleng makumpiska ang mga baril ni Dela Rosa kapag naaprubahan ang kanselasyon ng kanyang lisensya. Tumanggi naman siyang ibunyag kung ilan ang nakarehistrong baril sa pangalan ng senador dahil sa Data Privacy Act.
Dagdag pa niya, pormal na aabisuhan si Dela Rosa at maaari itong maghain ng motion for reconsideration o boluntaryong isuko ang mga baril. Kapag hindi naisuko ang mga ito matapos makansela ang lisensya, maaari umanong magsagawa ng legal na aksyon ang pulisya. Santi Celario