MANILA, Philippines — Wala pang natatanggap na pormal na ulat ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano’y pagbabanta sa dating household staff ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Allen Rae Co nitong Martes, Nobyembre 17, wala pang lumalapit sa pulisya upang pormal na iulat ang insidenteng ibinunyag ng kampo ng Bise Presidente.
Binigyang-diin ni Co na hindi maaaring basta magsimula ng imbestigasyon ang PNP batay lamang sa mga hindi pa beripikadong alegasyong kumakalat sa social media.
Hinimok niya si Duterte o sinumang may impormasyon tungkol sa umano’y pagbabanta na direktang makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Nauna nang sinabi ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na nakatanggap ang Bise Presidente ng mensahe noong gabi ng Nobyembre 16 mula sa isang account na pinaniniwalaang pag-aari ng dati niyang household staff.
Humihingi umano ng tulong ang nagpadala matapos sabihing hawak siya ng ilang indibidwal, pinagbabantaan ang kanyang buhay at pinipilit na pumirma sa isang dokumento.
Nagpahayag din ang kampo ni Duterte ng pangamba na maaaring may kaugnayan ang insidente sa umano’y panggigipit ng administrasyong Marcos laban sa Bise Presidente.
Itinanggi naman ng Malacañang ang alegasyon laban sa administrasyon at sinabing nararapat na imbestigahan ang pangyayari upang matukoy ang katotohanan.
Sa ngayon, hindi pa independiyenteng nakukumpirma ang pagkakakilanlan, kinaroroonan at kalagayan ng dating tauhan. Santi Celario