MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kabataang Pinoy laban sa paggaya sa mga mararahas at kriminal na gawain na itinatampok sa mga sikat na online video games.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang reset button o ikalawang buhay sa totoong mundo kaya dapat maunawaan ng mga manlalaro ang pagkakaiba ng virtual entertainment at realidad.
Binigyang-diin ni Nartatez na bagama’t maaaring gumawa ng mga krimen ang mga karakter sa loob ng laro bilang bahagi ng kuwento, walang lugar ang ganitong gawain sa tunay na buhay dahil maaari itong maglagay sa panganib sa buhay ng ibang tao at magdulot ng pananagutang legal.
“Entertainment must never blur our understanding of right and wrong. Every act of violence in the real world has consequences that cannot be reversed by a reset button or a respawn,” ani Nartatez.
Inilabas ang babala kasabay ng pananabik ng publiko sa paglulunsad ng isang sikat na crime-themed video game na nagtatampok ng mga gawaing ipinagbabawal sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas.
Ayon pa sa PNP chief, mahalagang paalalahanan ang kabataan sa gitna ng mga naiuulat na insidente ng karahasan sa mga paaralan at paggamit ng baril, kabilang ang sunod-sunod na school shooting nitong mga nakaraang buwan.
“Firearms are not toys, violence is never a solution, and protecting human life must always come first,” dagdag niya.
Hinimok ni Nartatez ang mga kabataang Pinoy na maging mapanuri sa mga kinokonsumo nilang online content at huwag hayaang maimpluwensiyahan ng mga kathang-isip na sitwasyon sa laro ang kanilang tunay na kilos.
“Enjoy your games but never allow fiction to dictate your actions in reality,” aniya. RNT