MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang, guro, at school administrators na mas tutukan ang online activities ng mga menor de edad matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 13 iba pa.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang mabantayan ng mga magulang ang paggamit ng social media at iba pang digital platforms ng kanilang mga anak upang maagapan ang posibleng banta o marahas na pag-uugali.
“Parents and guardians serve as the first line of defense. They must be present and vigilant in their children’s digital lives, treating their online activity with the same level of concern as their physical whereabouts,” ani Nartatez.
Naganap ang insidente noong Hunyo 22 sa San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, kung saan dalawang estudyante ang isinailalim sa kustodiya matapos umanong magpaputok ng baril sa loob ng paaralan.
Ayon sa pulisya, isa sa mga suspek ang umano’y nag-post ng mga video online na may kaugnayan sa baril at karahasan bago ang insidente, kabilang ang video na nagpapakita sa kanyang nagpapaputok ng baril.
Sinabi ni Nartatez na iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung may kinalaman ang bullying at iba pang social factors sa nangyaring pamamaril, habang binigyang-diin na maaaring magsilbing babala ang ilang online behavior ng kabataan.
“The warning signs are often subtle—social withdrawal, obsession with violent imagery, or the use of radicalized language—and when these red flags appear, early reporting to local police or school authorities is not just a precaution but a necessity to save lives,” aniya.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Education upang bumuo ng mga safety protocols at iba pang hakbang na magpapalakas sa seguridad ng mga paaralan at makaiwas sa kahalintulad na insidente sa hinaharap. Santi Celario