DAVAO CITY- Nanindigan si Major Catherine Dela Rey, tagapagsalita ng Police Regional Office-11, na walang halong pamumulitika ang paglipat ng 65 opisyal na pulis sa nasabing rehiyon.
Sa ginanap na press conference noong Miyerkules, ipinaliwanag ni dela Rey, na ang paglipat ng mga pulis sa iba’t ibang hanay mula sa rehiyon ay desisyon ng pambansang pulisya.
Aniya, ang lahat ng mga pulis ay maaaring maitalaga anumang oras, sa prerogative ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Dagdag pa nito, na nagkataon lamang na ang paglipat ng mga pulis at sumabay sa tensyon sa pulitika sa pagitan ng administrasyon at Bise Presidente Sara Duterte ngunit matagal nang hiniling ng Davao regional police office ang mga reassignment.
Tumanggi si Dela Rey na ibigay ang mga pangalan ng mga na-reassign na opisyal.
Epektibo ang nasabing kautusan noong Nobyembre 25, sa pagtatalaga ng walong pulis sa Cagayan Valley, 12 sa Bicol, 21 sa Cordillera, at 24 sa mga rehiyon ng Mimaropa, kabilang sa mga ito ang mga may ranggong tenyente koronel, 19 majors, 12 kapitan, dalawang executive master sergeant, isang chief master sergeant, 3 senior master sergeant’s, 15 staff sergeants, 7 corporal, at 5 patrolmen.
Siniguro naman ni dela Rey, na hindi maapektuhan ang pagpapatupad nila ng batas dahil sapat pa rin ang bilang ng kanilang hanay. Mary Anne Sapico