Home HOME BANNER STORY Politikong nasa narcolist sabit sa P3.6B shabu sa Subic

Politikong nasa narcolist sabit sa P3.6B shabu sa Subic

Manila, Philippines-Sabit sa P3.5 bilyong shabu sa Subic Bay Metropolitan Authority ang isang politiko na kabilang sa narcolist ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ang nabatid mula sa mapagkakatiwalang source sa loob ng SBMA matapos masakote ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion sa isang warehouse sa Pampanga noong nagdaang Miyerkules.

Nabatid na ang naturang pulitiko ay buhay na naman sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot na naapektuhan ng pangalanan siya ng dating Pangulong Duterte na kabilang sa narcolist.

Ayon sa ulat, ang pagkakarekober sa 530 kilo ng shabu ay resulta ng matiyagang pagtugaygay ng pinasanib na puwersa ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at SBMA management.

Ang mga naturang kontrabando ay lulan ng barkong Sitc Sekou na mula sa bansang Thailand. Dumaong ito sa Subic Port noong Septembre 18.

Namonitor ito ng mga awtoridad at napagkasunduan na isagawa ang operasyon sa pamamagitan ng tinatawag na ‘controlled delivery,’ kung saan ay sinadyang Palestine muna sa Subic Port ang kontrabando saka sinundan patungo sa warehouse sa Mexico, Pampanga.

Marami naman ang nagtataka kung bakit nakatakas ang mga foreigner na nasa likod ng ‘shabu smuggling,’ gayung isa itong ‘controlled delivery operations.’

“Successful na sana ang operation dahil namonitor ang mga droga pagpasok at paglabas ng Subic. Pero bakit walang nahuling suspect?” sabi ng isang intelligence officer.

Ang 530 kilos ng shabu ay nakasilid sa kulay brown na karton ng ‘red tea bags’ at ‘golden tea bags’ na ang nakalagay naman ay chicharon at dog foods.

Kaugnay nito, muling umugong ang balita na isang maimpluwensiyang politiko ang nasa likod umano ng tangkang pagpuslit ng bulto-bultong ipinagbabawal na gamot.

Ang maimpluwensyang politiko ay kilalang malapit na kaalyado ng dating namamahala sa SBMA.

Matapos pangalanan ni dating Pangulong Duterte at isama sa ‘drug matrix, nag-lie low ito ng ilang buwan.

Naniniwala ang mga awtoridad na ang kalakaran ng pagpupuslit ng iligal na droga sa Subic ay dati nang nangyayari pa at nabuko na lang ito dahil sa bagong administrasyon.

Ang SBMA ay pinamumunuan ngayon ni Chairman at Administrator Jonathan Tan na personal ding nag-monitor upang maging matagumpay ang ‘controlled delivery’ na ikinasa ng NBI at PDEA.

Matatandaan na Hulyo 2016 nang masakote  ng PNP ang isang foreign vessel na ginagawang laboratoryo ng shabu.

Mismong si dating PNP chief at ngayo’y Senador Bato Dela Rosa ang nakahuli sa naturang barko na naglalayag sa coastline ng Subic, Zambales.

Apat na Chinese national mula sa Hong Kong ang naaresto sa naturang police operation na nagbigay patunay na sa mismong barko na ngayon ginagawa ang shabu. RNT