Home LIFESTYLE HEALTH Polusyon sa hangin sa Metro Manila, mataas pa rin matapos sunog sa...

Polusyon sa hangin sa Metro Manila, mataas pa rin matapos sunog sa Navotas landfill

169
0

MANILA, Philippines – Hindi pa bumabalik sa normal ang kalidad ng hangin sa Metro Manila halos dalawang linggo matapos ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill, ayon sa Philippine Space Agency.

Batay sa satellite monitoring ng PhilSA, nananatiling mas mataas ang antas ng nitrogen dioxide (NO₂) kumpara bago ang sunog noong Abril 6. Ang landfill fire, na nagsimula umano noong Abril 10, ay patuloy na nakaaapekto sa hangin dahil sa “smoldering conditions” sa lugar, ayon sa Bureau of Fire Protection.

“Nitrogen dioxide is a pollutant produced from burning and is a component of smoke,” ayon sa PhilSA.

Ipinakita rin ng satellite data ang lawak ng usok sa Metro Manila at mga kalapit-probinsiya, kung saan ang mas madidilim na pulang bahagi ay indikasyon ng mas mataas na konsentrasyon ng NO₂.

Ipinaliwanag ng PhilSA na ang datos ay kinukuha araw-araw sa ganap na 8:45 a.m. para sa consistent na paghahambing. “This pattern is called a diurnal cycle which may be attributed to atmospheric processes such as easterlies, sea breeze and land breeze, and the dissolution of the inversion layer,” anang ahensya.

Dagdag pa nito, ang pagsusuri gamit ang satellite ay tumutulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council Health Cluster upang mabantayan ang sitwasyon at matukoy ang mga lugar na dapat unahin sa pagtugon.

Noong Abril 20, nanawagan ang environmental at health groups ng mas malawak na imbestigasyon, babala na nananatiling banta sa kalusugan ang toxic smoke. Ayon kay Geminn Louis Apostol ng Ateneo School of Medicine and Public Health, seryoso at hindi pa nareresolba ang sitwasyon at hindi lamang sa Navotas ang epekto.

Sumuporta rin ang EcoWaste Coalition sa panawagan, kabilang ang pagsusuri sa posibleng kontaminasyon ng mga kalapit na anyong-tubig.

Nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources upang alamin ang sanhi ng sunog at epekto nito sa hangin at komunidad. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here