Home OPINION PONDO NG TUPAD IBINIGAY NG DOLE-  MIMAROPA PARA SA MANGINGISDANG  NAAPEKTUHAN NG...

PONDO NG TUPAD IBINIGAY NG DOLE-  MIMAROPA PARA SA MANGINGISDANG  NAAPEKTUHAN NG OIL SPILL 

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa MIMAROPA na agad na ipinamahagi at maayos na ipinatutupad ang pondo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Wor­kers (TUPAD) ng rehiyon ayon sa mga alituntunin ng Kagawaran.
Naglabas ng pahayag matapos magsagawa ng pro­testa ang mga grupo ng mga mangingisda ng Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill noong 2023 sa DOLE MIMAROPA regional office noong Setyembre 18, 2024, upang ipaabot ang kanilang hinaing sa implementasyon ng TUPAD.
Sinabi ng mga grupo na hindi pa nila natatanggap ang buong halaga ng P200 milyong pondo na inilaan umano ng pamahalaan para sa 9,000 miyembro ng asosasyon, at idinagdag na may nakalaan na P24,000 para sa bawat miyembro.
Ang mga nagprotesta ay mula sa Hanay ng Yuma­yabong at Umuunlad na Mangingisda (HAYUMA), Samahan ng Mangingisda ng Lumangbayan, Brgy. Tawagan-Samahang “Laut”, Brgy. Lazareto-Samahang “Kawa”, Brgy. Gutad-Samahang “Biya”, Brgy. Bali­te-Samahang “Silba”, Brgy.Suqui-Samahang “Tawilis”, Brgy. Ibaba-East- Samahang “Banamie”, at Brgy. Parang – Samahang “MAPA”.
Upang malutas ang mga hinaing, pinangunahan ng DOLE MIMAROPA ang isang dayalogo kasama ang ilan sa mga kinatawan ng asosasyon, kabilang ang kani-kanilang mga pangulo. Ipinaliwanag ni Assistant Regional Director Nicanor V. Bon ang proseso at mga alituntunin ng pagpapatupad ng TUPAD. Binigyang-diin pa niya na ang pondo ng programa ay agad na ginagamit sa pamamagitan ng mga partner agencies at stakeholders, kaya walang hindi nagamit na pondo ng TUPAD sa rehiyon.
Batay sa record ng regional office, may kabuuang 5,934 miyembro ng HAYUMA na naapektuhan ng oil spill ang nabigyan ng emergency employment sa loob ng 30 araw at tumanggap ng kanilang sahod na may kabuuang halaga na P71,834,429.00 sa ilalim ng prog­ra­mang TUPAD.
Ang lahat ng mga benepisyaryo ay na-profile at iti­nuturing na kwalipikado sa ilalim ng Department Order No. 239, series of 2023, o ang mga patnubay sa pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program.
Binanggit din ng assistant regional director na target ng emergency employment program ng DOLE ang lahat ng mahihirap na manggagawa sa rehiyon, ka­­bilang ang mga magsasaka, mangingisda, tindero, in­digenous groups, persons with disabilities, kababaihan, manggagawang nawalan ng trabaho, at lahat ng iba pang miyembro ng vulnerable sectors.
Inaasahan ng DOLE MIMAROPA na ang mga pag­­lilinaw na ginawa sa pulong ay ipaparating ng mga kinatawan ng mangingisda sa mga miyembro ng kani-kanilang asosasyon.