MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi dapat umasa ang pamahalaan sa mga utang para lang pondohan ang Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na layong tugunan ang kahirapan at kagutuman sa bansa.
Sa halip, ang mahalagang programang ito laban sa gutom ay dapat pondohan ng regular at direkta sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) upang matiyak ang pagpapatuloy nito.
Sinabi ni Gatchalian na sa panukalang pondo ng ahensya para sa susunod na taon, P1.8 bilyon lamang ang inilaan para sa programa kumpara sa P26.6 bilyong funding requirement nito, na kung saan ang kulang na halaga ay inaasahang sasagutin sa pamamagitan ng pangungutang.
“Kung sa NEP manggagaling ang pondo ng programa, sigurado tayong mas matutulungan ang ating mga kababayang gutom. Dapat pakainin natin sila gamit ang sarili nating pera,” ayon sa senador.
Target ng DSWD na saklawin ng programa ang 750,000 na pamilya sa susunod na taon, mula sa 300,000 na pamilyang saklaw ng programa noong nakaraang taon at 600,000 ngayong taon.
“Gawin nating sustainable o pang matagalan ang programa para maiangat sa pamumuhay ang mga mahihirap nating kababayan kaya dapat pondohan ang programa sa NEP,” diin ni Gatchalian sa isang pagdinig sa panukalang pondo ng DPWH para sa 2026. Ernie Reyes