VATICAN – Nanawagan si Pope Leo nitong Linggo, Agosto 23, para sa internasyonal na pagkilos upang makatulong na mapigil ang epekto ng paglaganap ng Ebola sa Democratic Republic of the Congo, na ikinasawi ng mahigit 2,500 na buhay sa ngayon.
Ayon sa mga opisyal ng United Nations, mabilis na kumalat ang outbreak sa malawak na bahagi ng bansang ito sa gitnang Africa at nagiging sanhi ito ng record na bilang ng mga kaso at pagkamatay.
Ikinalungkot ito ng Santo Papa kaya’t sa kanyang panalangin madalas niyang inaalala ang Democratic Republic of the Congo
“Nanawagan ako sa internasyonal na komunidad na tumugon sa paraang kasama rin ang mga lokal na komunidad sa mga hakbang sa pag-iwas para mailigtas ang mas maraming buhay hangga’t maaari,” dagdag pa ng papa.
Ito na ang ika-17 na paglaganap ng Ebola sa Congo, at noong huling bahagi ng Hulyo ay naging pinakamalaki na ito sa kasaysayan ng bansa pagdating sa kumpirmadong kaso, na nalampasan na nito ang naunang record mula 2018 hanggang 2020. Jocelyn Tabangcura-Domenden