SOUTH KOREA – Iminungkahi ni South Korean President Lee Jae Myung ang pakikipag-usap sa North Korea para pormal na wakasan ang matagal nang Korean War, na nananatiling walang pinal na peace treaty matapos ang 1950-1953 conflict.
Sa kanyang talumpati sa paggunita sa anibersaryo ng paglaya ng Korea mula sa Japan, hinimok ni Lee ang North Korea na talakayin ang pagtatapos ng digmaan bilang mga direktang sangkot na partido.
Ayon kay Lee, maaari ring pag-usapan sa pamamagitan nito ang mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagpapalawak ng nuclear capabilities ng Pyongyang.
Nanatiling teknikal na nasa estado ng digmaan ang dalawang Korea dahil natapos ang labanan noong 1953 sa pamamagitan lamang ng armistice agreement at hindi isang peace treaty.
Samantala, patuloy na tumitindi ang ugnayan ng North Korea at Russia, habang iginiit ng Pyongyang na isa itong “irreversible” nuclear state.
Paulit-ulit ding tinanggihan ng North Korea ang mga alok ni Lee na makipag-usap nang walang paunang kondisyon. Sa halip, pinalakas nito ang military ties sa Moscow, kabilang ang umano’y pagbibigay ng tropa at mga bala para sa giyera ng Russia sa Ukraine kapalit ng financial, food, energy at military technology support.
Inaasahan ding bibisita si North Korean leader Kim Jong Un sa Russia bago matapos ang taon upang posibleng talakayin ang karagdagang suplay ng armas sa Moscow.
Samantala, nagbabala ang Pyongyang laban sa paparating na taunang military exercises ng Estados Unidos at South Korea, na magsisimula sa Lunes at tatagal ng 11 araw.
May humigit-kumulang 28,500 sundalong Amerikano na nakatalaga sa South Korea bilang bahagi ng depensa laban sa mga banta mula sa North Korea. RNT/JGC