MANILA, Philippines – Pormal nang isinalin ni Retired Judge Jaime Santiago ang posisyon bilang Director ng National Bureau of Investigation kay Atty. Angelito Magno.
Maaalala na nagbitiw sa posisyon si Santiago kung saan inihain ang kanyang irrevocable resignation noong Agosto at noong nakaraang linggo at tinanggap naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si Magno ay nanungkulan bilang Assistant Director sa ilalim ng liderato ni Santiago bago siya itinalaga bilang NBI Officer-in -Charge.
Sa isinagawang turn over ceremony nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 3, sinalubong ng mga empleyado at opisyal ng NBI si Atty. Magno ng masigabong palakpakan.
Itinuturing na ‘insider’ sa NBI si Atty. Magno nang magsimula ito sa pinakamababang posisyon sa kagawaran, isang career officer, batikang imbestigador na naglaan ng mahigit tatlumpu’t tatlong taon ng serbisyo sa NBI, simula bilang isang project worker noong 1991.
Patuloy na tumaas ang ranggo bilang Special Investigator, Investigation Agent, Head Agent, Regional Director, hanggang Assistant Director, bago siya itinalaga bilang Officer-in-charge.
Nais naman ni Magno na ipagpatuloy ang mga nasimulan ni Santiago, partikular ang pagsugpo sa korapsyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden