MANILA, Philippines – Ipinagbawal ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal sa importasyon ng poultry at poultry by-products mula sa Minnesota sa Estados Unidos dahil sa outbreak ng bird flu.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Hulyo 17, nag-isyu si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng Memorandum Order No. 29, na nag-aatas ng agarang pagbabawal sa pagpasok ng domestic at wild birds maging ang kanilang by-products mula Minnesota, kasunod ng kumpirmadong ulat ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) H5N1 cases sa naturang US state.
Sakop ng import ban ang domestic at wild birds at mga produkto nito kabilang ang poultry meat, eggs, day-old chicks at semen.
Nagpasa ang USDA Animal and Plant Health Inspection Service (APHIS) ng official report sa DA na nagpapakita ng kumpirmadong kaso ng H5N1 infections sa tatlong county ng Minnesota hanggang noong Hunyo 12.
Batay sa 2016 agreement sa pagitan ng Pilipinas at US, maaaring ipatupad ang statewide ban ng DA kung mayroong tatlong counties ang apektado ng HPAI.
Ayon kay Tiu Laurel, ipinag-utos na nito sa
Bureau of Animal Industry (BAI) ang agarang pagsuspinde sa pagproseso, evaluation ng aplikasyon, at pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary iImport Clearances (SPSIC) para sa mga agricultural products.
Sa kabila nito, ang mga kargamento mula Minnesota na in transit na, ikinarga o tinanggap sa port bago ang pagpapatupad ng ban “shall be allowed provided that the products were slaughtered/produced 14 days before the first outbreak” mula sa place of origin.
Ang mga hindi susunod sa kondisyon na itinakda sa import ban ay ibabalik sa port of origin o kukumpiskahin. RNT/JGC