MANILA, Philippines – Agad na tumugon ang Philippine Red Cross (PRC) na makapagbigay ng suplay ng dugo sa mga lugar na apektado ng malakas na pagyanig sa Davao region.
Ayon sa PRC, nakatanggap ng kahilingan kahapon ang PRC Davao Oriental Chapter mula sa Davao Oriental Provincial Medical Center (DOPMC) para sa blood supply augmentation matapos ang 7.4 magnitude na lindol sa region.
Ginawa ang kahilingang ito upang suportahan ang parehong mga biktima ng lindol at ang mga kasalukuyang pasyente na nangangailangan ng madalas na pagsasalin ng dugo.
Upang agad na matugunan ang kagyat na pangangailangang ito, ang PRC Davao Oriental Chapter ay naglabas ng 70 yunit ng dugo mula sa available stock, na tinitiyak na ang suportang nagliligtas-buhay ay makakarting sa mga pasyente nang walang pagkaantala.
Binigyang-diin ni PRC Chairman Richard J.Gordon ang kahalagahan ng paghahanda at mabilis na pagkilos sa panahon ng krisis.
“Every drop of blood saves lives. The Red Cross will always be ready to respond—day or night—to bring help and hope to our people,” sabi ni Gordon.
Patuloy na pinapakilos ng PRC ang kanilang blood services, mga welfare team, at mga boluntaryo sa buong Mindanao upang tulungan ang mga apektadong komunidad habang umuusad ang mga pagtatasa at relief operations. Jocelyn Tabangcura-Domenden