Home NATIONWIDE Pre-emptive evacuation sa Aurora, Ilocos isinagawa sa banta ni Uwan

Pre-emptive evacuation sa Aurora, Ilocos isinagawa sa banta ni Uwan

295
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lugar na apektado ng bagyong Uwan bilang pag-iingat sa posibleng epekto nito.

Layunin ng operasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga residente laban sa pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng sama ng panahon.

Sa Dipaculao, Aurora, walong pamilya na binubuo ng 26 na indibidwal ang inihatid sa South Poblacion Dipaculao na nagsisilbi bilang evacuation center.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr, tuloy ang PCG sa pagpapaalala sa publiko na manatiling alerto, makinig sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan, at agad lumikas, kung kinakailangan, upang maiwasan ang anumang trahedya.

Samantala, inilikas din ang mga residente malapit sa coastal at low-lying areas sa Sta. Cruz at Santa, Ilocos Sur.

Nasa anim na pamilya ang inilikas sa Sta. Cruz mula sa Sitio Pantar, Barangay Villa Hermosa, at pansamantalang nakasilong sa Sta. Cruz Sports Complex.

Habang 12 pamilya naman ang inilikas mula sa Barangay Pasungol at anim na pamilya mula sa Barangay Bucalag, Santa, Ilocos Sur.

Patuloy ang masusing pakikipagtulungan ng PCG sa mga local government units at emergency response agencies upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga residente na apektado ng pananalasa ng bagyong Uwan sa mga apektadong komunidad.

Hinimok ang publiko na manatiling alerto, makinig at sumunod sa mga opisyal na abiso at unahin ang kaligtasan sa lahat ng oras. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here