Home OPINION PRESYO NG BILIHIN HINDI NA APORDABOL

PRESYO NG BILIHIN HINDI NA APORDABOL

390
0

GRABE na ang presyo ng lahat ng bilihin.

Lalo na ang mga pagkain.

Mapa-gulay, mapa-karne, mapa-isda, mapa-delata at iba pa.

Bigas na lang ang hindi gaanong nakaha-high blood ang presyo, ngunit mahal pa rin sa katamtamang humigit-kumulang sa P40 kada kilo ng mga pribadong tindero.

May tig-P20 naman kada kilo ngunit limitado lang ang mabibili mo sa Kadiwa o sa mga NFA accredited retailers.

May mga retailer namang madudugas dahil sa halip na ibenta nila lahat sa mababang presyo ang mga NFA rice, anak ng tokwa, kakaunting kaban lang ang ibinebenta nila sa mababang presyo at ang nakararami nilang stock, ibinebenta nila bilang komersyal.

Nasaan na nga pala ang mga local government unit na sinasabing sasali sa bentahang ng P20 kada kilo ngunit magpapatong sila nang kaunti para hindi naman malugi?

MGA PRESYO

Ang manok ang hindi gaanong mataas ang presyo dahil nabebenta ang mga ito sa nasa P160-P180 kada kilo.

Ang baboy – P350 kada kilo; baka – P450; kalabaw – P380.

Pero ang mga isda, hipon, alimango, tahong at iba pa?

Nakupo, ang P1,000 mo, nasa sa tatlong kilong isda lang ang katumbas nito.

Ang lapu-lapu, nasa P350 kada kilo, ang espada – nasa P400 kada kilo, ang galunggong – P250-P300 kada kilo, ang hipon – P500 kada kilo, alimango – P600-700 kada kilo.

Ang gulay, 8 tangkay ng kangkong – P20; okra na 4-5 piraso – P20; 5 tangkay ng dahong ampalaya – P20; 1 pirasong repolyo – P60; 3 tangkay ng petsay – P20; at iba pa.

Ang 1 kilong sibuyas – P140; luya – P200; bawang – P160; at iba pa.

Mga mantika, ang dating P80 na plastic bottle, nasa P120 na; sukang paombong na 1.5 litro – P45; toyong 1 litro – P45.

Napakamahal na rin ang itlog, gatas, tubig at iba pa.

Paano ka magkaroon ng magandang nutrisyon sa mahal na mga ulam at inumin kahit magaan nang kaunti ang presyong bigas?

Hindi pa kasali rito ang napakamahal na ring pamasahe sa traysikel, Grab, Angkas, Move-it, bus, eroplano at iba pa.

Napakamahal na rin ang mga materyales sa bahay kung magigibaan ka sa lindol, bagyo, baha at iba pa.

END OF THE WORLD

Kung sa akala mo, eh, gusto mo nang kunin ka ni Lord makaligtas ka na sa sobrang mahal ng mga bilihin nagbubunga ng kagutuman, malnutrisyon at kahirapan, nagkakamali ka.

Ito’y dahil may patong nang nasa P300-400 ang bawat piraso ng plywood mula sa nakaraang taon at pati dos-por-dos, pintura at pako, mahal na rin.

Ang kabaong? Mahal na sa mahihirap na pamilya ang nasa P20,000-P30,000 at P10,000 para sa bata.

May libre namang libingan sa mga public cemetery ngunit magbabayad ka pa rin sa mga sepulturero na magtatakip sa iyong butas o maghuhukay at magtatakip ng lupang doon ka ibabaon.

Kapag pinagsama ang mga gastos sa lamay at paglilibing, para mo na ring isinumpa at lalong iniligay sa pagkabaon sa kahirapan at kalungkutan ang iyong iniwang pamilya.

Tanging ang mga kawatan sa P450 bilyong flood control projects at sa iba pang bilyon-bilyon pang pisong proyekto ng gobyerno ang hindi nakararamdam ng presyo ng mga bilihin at kagutuman at kahirapang ibinubunga nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here