Home NATIONWIDE Probe ng Senate blue ribbon sa ‘pharma scam’ suportado ni Bong Go

Probe ng Senate blue ribbon sa ‘pharma scam’ suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines – Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang isang malawak at patas na imbestigasyon sa isyu ng Bell-Kenz Pharma na pangungunahan ng Senate blue ribbon committee, kasama ang Senate committee on health.

Bilang tagapangulo ng Senate health committee, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtataguyod ng integridad ng propesyon sa medisina at pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa mga doktor.

Ani Go, obligasyon ng Estado na pangalagaan ang integridad ng sistema ng pampublikong kalusugan at tiyakin na ang medical professionals ay sumusunod sa kanilang mga pamantayan sa etika at umiiral na mga batas.

“Walang masamang kumita but not at the expense of people’s health. Unahin natin ang kapakanan ng mga pasyente especially poor and indigent patients. Interes ng tao, interes ng bayan at ano ang katotohanan,” ani Go.

Kasunod ng paunang talakayan na isinagawa ng Senate committee on health sa panahon ng pagdinig nito noong Abril 30, ang usapin ay opisyal na ini-refer ng Senate committee on rules sa blue ribbon committee para sa karagdagang imbestigasyon.

Sinuportahan ito ni Go sa pagsasabing tiwala siya sa kakayahan ng komite na magsagawa ng masinsinan at walang kinikilingang pagsisiyasat.

Nauna rito, hiniling ni Go sa mga kinauukulang regulatory body at ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Department of Health (DOH), Food and Drug Administration, Professional Regulation Commission, Securities and Exchange Commission, at Philippine Competition Commission, na imbestigahan ang mga akusasyon laban sa pharma company, base sa kani-kanilang mandato.

Dagdag pa, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagsisiyasat hindi lang sa Bell-Kenz kundi pati na rin sa iba pang entity na may katulad na di-umano’y unethical na gawain.

Iginiit ni Go na kailangang matuklasan ang katotohanan sa likod ng umano’y matagal nang malpractice at tiyakin ang pananagutan sa bawat antas.

Dapat din aniyang silipin ang kasalanan ng mga ahensya ng gobyerno na inatasang i-regulate at subaybayan ang pagsasagawa ng medisina at ang paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan.

“Bakit nakalulusot ang ganitong sistema? May pagkukulang ba ang government agencies? Ano ang liability ng mga doktor na involved na nag-practice sa government hospitals?” tanong ng senador.

Ang isyu tungkol sa Bell-Kenz Pharma ay nag-ugat sa mga paratang na ang ilang doktor ay shareholders din ng kumpanya at nagrereseta ng mga gamot upang matugunan ang quota sa pagbebenta, kapalit ng reward na pera, luxury item, o mga sponsored na biyahe.

Ipinahayag ni Go na ang ganitong iskema na kinasasangkutan ng “rebates” o “mga insentibo” ay maaaring magkompromiso sa mga etikal na prinsipyo ng medikal na propesyon. RNT