MANILA, Philippines – Galit na nag-walkout ang Norwegian businessman na proponent din ng planong artificial intelligence (AI) data center sa Oton, Iloilo kasunod ng public consultation kasama ang mga residente ng naturang bayan.
Nakita na umalis ng venue si Daniel Stefan Robertsen habang sinusundan ng lokal na media.
“If you don’t have a brain, just f***, go away!” sinabi ni Robertsen habang sinusubukan na paalisin ang mga reporter.
Plano ng kompanya nito na magtayo ng 50-megawatt hyperscale AI data center sa 10 ektarya ng lupain sa Oton.
Sa naturang public consultation kasi ay tumutol ang mga residente sa planong AI hub.
Bago mag-walk out, sinabi pa ni Robertsen na hindi ipipilit ng kompanya ang proyekto sa Oton.
Bagamat inaasahang lilikha ng trabaho ang AI hub, nagpahayag ng pangamba ang mga residente sa posibleng epekto nito sa kanilang mga ari-arian.
“Lilipat na naman kami? Kakalipat lang namin. Ang dami pa naming pananim sa likuran,” sinabi ng isang residente.
Nagbabala rin ang isang residente na posibleng may epekto ito sa kanilang komunidad.
Samantala, sinabi naman ni Barangay Abilay Sur Captain Marites Eusoya na kailangan nang malinaw na paliwanag ang mga residente kung ano ang itatayo sa lugar.
Ayon kay Oton Vice Mayor Jose Olivares, lumapit ang kompanya para sa plano noong Mayo at umaasang masisimulan ang konstruksyon sa pagtatapos ng taon.
Sa kabila nito ay nananatiling nasa consultation phase ang planong AI hub.
Binatikos naman ni Cabinet Secretary Benjamin Abalos ang ginawa ni Robertsen at sinabing dapat ay nirerespeto nito ang mga Filipino at ang batas.
“His behavior is deplorable. You should not curse or disrespect Filipinos, especially in our own country,” ani Abalos. RNT/JGC