MANILA, Philippines – Dalawang procedural motion ng House Prosecution Team ang pinayagan ng impeachment trial court sa kabila ng mariing pagtutol ng depensa.
Ang pinayagang mosyon ng korte ay ang kahilingan nitong kunin ang judicial notice ng mga naunang proceedings sa Kamara at ikalawa ay ilipat ang exhibit markings para sa bahagi ng affidavit ng self-confessed na dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascañas.
Pinayagan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang judicial notice sa naging proceeding ng House Committee on Good Government and Public Accountability at House Committee on Justice.
Nagsagawa ang Good Government panel ng serye ng imbestigasyon noong 2024 kaugnay ng maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Ang Justice panel naman ang nakinig sa mga verified impeachment complaint at nagendorso ang articles of impeachment Senado.
Saklaw ng ruling ng trial court ang
Sinasaklaw ng ruling ang mga opisyal na transcript, audiovisual recordings, at committee report.
Ayon kay Escudero, kinikilala lamang ng korte na opisyal na isinagawa ang mga pagdinig at umiiral ang mga record bilang opisyal na dokumento, nilinaw nito na hindi itinatakda sa ruling ang katotohanan ng anumang testimonya, akusasyon, natuklasan, o konklusyon na nakapaloob sa mga naturang record.
Pinaalalahanan din ng presiding officer ang prosecution na ang judicial notice ay hindi kapalit ng pagpresenta at pormal na pag-alok ng ebidensya, at hindi rin ito nag-aalis sa mga tuntunin ukol sa authentication, hearsay, relevance, at karapatan ni Duterte na hamunin ang ebidensyang laban sa kanya.
Pinayagan din na ilipat ang exhibit markings mula sa provisional copies patungo sa certified true copies ng bahagi ng Lascañas affidavit.
Binanggit ni Escudero na ang affidavit ay ipinresenta lamang ng prosekusyon upang patunayang bahagi ito ng imbestigasyon ng NBI, hindi upang patunayan ang katotohanan ng nilalaman nito.
Sinabi niya na ang paglipat ng exhibit markings ay isa lamang procedural na hakbang upang mapanatili ang maayos na identipikasyon ng mga court record, at hindi ito katumbas ng isang ruling sa authenticity, admissibility, o ebidensyal na halaga ng affidavit.
Binalaan ng senador na hindi maaaring gamitin ang alinman sa dalawang ruling upang ipahiwatig na tinanggap na ng Impeachment Court ang katotohanan ng mga proseso ng House o ng Lascañas affidavit.
Ani Escudero, nananatiling sasailalim pa sa patunay, tutol, at evaluation ng korte. Gail Mendoza