Home NATIONWIDE Prosekusyon target tapusin sa susunod na linggo ebidensya sa Article I vs...

Prosekusyon target tapusin sa susunod na linggo ebidensya sa Article I vs VP Sara

3
0

MANILA, Philippines — Target ng House prosecution panel na matapos sa susunod na linggo ang pagprisinta ng mga ebidensya kaugnay ng Article I ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na nakasentro sa alegasyon ng maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“In any event, masasabi natin baka by next week matatapos na, hopefully, ang confidential fund and we will move on to the next article,” pahayag ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua matapos ang impeachment trial nitong Martes, Setyembre 1.

Ayon kay Chua, kakaunti na lamang ang natitirang testigo na kailangang iharap ng prosekusyon para sa Article I. Kabilang dito si dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda at isa o dalawa pang posibleng testigo.

Nakatakdang humarap si Fajarda sa impeachment court sa Setyembre 7 matapos maantala ang kanyang testimonya dahil sa stroke. Kinumpirma ng Senate Medical and Dental Bureau ang kanyang kondisyon at inirekomenda ang pagpapahinga bago humarap sa paglilitis.

Samantala, nitong Miyerkoles ay humarap na bilang prosecution witness si dating DepEd Undersecretary Michael Poa, na idineklarang hostile witness ng impeachment court. Tinanong siya kaugnay ng P112.5 milyong confidential funds ng DepEd noong panahon ni Duterte bilang education secretary.

Nauna nang sinabi ng prosekusyon na sapat na ang testimonya nina Army Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio hinggil sa Youth Leadership Summits at mga military certification na ginamit ng DepEd bilang bahagi ng mga dokumentong isinumite kaugnay ng liquidation ng confidential funds.

Tumestigo si Boransing na walang binanggit na DepEd funds sa certification na kanyang inilabas at wala siyang personal na kaalaman kung paano ginamit ng ahensya ang confidential funds. Sinabi rin ni Panopio na ang kanyang certification ay nagpapatunay lamang na isinagawa ang Youth Leadership Summit at hindi nito pinatutunayan kung paano ginastos ng DepEd ang confidential funds.

Saklaw ng Article I ang alegasyon ng systematic misappropriation at irregular liquidation ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds — P500 milyon mula sa OVP noong 2022 at 2023 at P112.5 milyon mula sa DepEd noong 2023. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here