MANILA, Philippines – Inatasan ng Office of the Ombudsman si Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala na magpaliwanag kaugnay ng alegasyon ni Ramil Madriaga na nakatanggap umano siya ng milyon-milyong halaga mula kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Huwebes.
Tinutukoy ni Clavano ang mga pahayag ni Madriaga sa House justice panel impeachment hearing laban sa Bise Presidente.
“With regards to Attorney Ryan Quilala, the office, through the Internal Affairs Board, had already issued a show cause order for him to explain the allegations that have been exposed not only during the hearing but also in the affidavit of Ramil Madriaga. This is something that we will pursue to make sure that ‘yung integrity ng ating opisina ay nandun pa rin,” ani Clavano.
Ayon sa kanya, layunin ng hakbang na mapanatili ang integridad ng kanilang tanggapan.
Dagdag pa ni Clavano, seryoso ang mga paratang at kailangan itong busisiin nang maigi.
“Obviously, it’s a grave allegation. It’s something that we believe is worth looking into,” aniya.
Sinabi rin niyang ang Internal Affairs Board ang hahawak sa imbestigasyon.
“We will make sure na ‘yung mga ganyang kwento, we get to the bottom of it, understand kung ano talaga nangyari, and then we will resolve on that basis,” dagdag niya.
Ayon pa kay Clavano, may mga larawan at video umano si Quilala na binanggit sa affidavit ni Madriaga kaya ito ang naging batayan ng show cause order.
Nilinaw naman niya na hindi pa naaapektuhan ang panunungkulan ni Quilala habang hinihintay ang kanyang sagot.
“I believe he is coming to the office. We are [just] asking his side or defense with regard to those allegations leveled against him by Madriaga,” ani Clavano. RNT/MND