MANILA, Philippines – Patuloy na naninindigan ang kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez na hindi nito kontrolado ang proseso ng paghahanda ng pambansang badyet.
Binigyang diin ni Atty. Elaine A. Atienza na sa mga pagdinig sa Kamara maging sa Senado at iba pang imbestigasyon na walang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nag-ugnay kay Romualdez na may kinalaman sa “planning, procurement, implementation, inspection, payment or release of funds for any alleged ghost flood control project,” kahit aniya si DPWH Secretary Manuel Bonoan.
“Simple lang kung bakit — because Rep. Romualdez was not involved. The issue traces back to the national budget process. Sa prosesong iyan — no single person—not even the Speaker of the House—can control,” paliwanag ni Atty. Atienza.
Binigyang diin pa ng abogada na ang National Expenditure Program ay inihahanda ng sangay ehekutibo sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya gaya ng DPWH bago ito isumite sa Kongreso para isailalim sa deliberasyon.
“No Speaker can dictate upon Cabinet secretaries. Neither can he dictate upon senators, who exercise their own independent constitutional mandate. Sila po ay pantay-pantay diyan being elected officials. Primus inter pares.”
Sa sandali aniyang maging batas ang pambansang badyet ay wala na aniyang kapangyarihan ang speaker sa pagsasagawa ng bidding, contract awards, implementation, inspections, pagbabayad at pag-iisyu ng pondo.
“The issue traces back to the national budget process. Sa prosesong iyan — no single person—not even the Speaker of the House—can control. Hindi niya po saklaw ang pagpapa-release ng budget. Those are functions vested by law in the Executive Branch.”
Giit pa ni Atienza na wala sa poder ng speaker na utusan ang DPWH Secretary at hindi niya madidiktahan ang DBM maging ang Senado at lalong hindi aniya mastermind ang kaniyang kliyente.
“Hindi kayang utusan ng Speaker ang DPWH Secretary. Hindi niya kayang diktahan ang DBM o ang Senado. At lalong hindi siya ang nagpa-plano ng proyekto, nagpapa-bid, nag-a-award ng kontrata, nag-iinspeksyon, o naglalabas ng pondo. Ang gustong palabasin ng iba, parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon,” sinabi ni Atienza. Meliza Maluntag