MANILA, Philippines – Palalakasin pa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga hakbang para masiguro ang proteksyon ng mga homebuyers, kasabay ng paglilinis ng backlog sa kanilang regulatory functions.
Inatasan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling si Senior Undersecretary Sharon Faith Paquiz, pinuno ng Zero Backlog Program, na agarang tugunan ang mga reklamo at isyung inihahain ng homebuyers sa iba’t ibang tanggapan ng kagawaran.
“Alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mabilis at malinis na serbisyo, papaigtingin pa natin ang ating kampanya para tulungang lutasin ang mga problemang kinakaharap ng ating mga homebuyers sa lalong madaling panahon,” ani Aliling.
Bilang bahagi ng kanyang 8-Point Agenda, inilunsad ni Aliling ang Zero Backlog Program noong Mayo. Mula sa mahigit 3,100 pending transactions mula pa noong 2020, nasa 82 na lamang ang natitira at target matapos sa mga susunod na araw.
Kasabay nito, muling pinalakas ng DHSUD ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH, na ngayon ay may kasamang horizontal developments, rental at incremental housing modalities. Umabot na sa 250,000 housing units ang ipinangakong itatayo ng 42 private developers sa ilalim ng programa.
Hinikayat naman ni Paquiz ang publiko na magsumite ng pormal na reklamo laban sa mga developer na lumalabag sa batas.
“By filing official complaints, we can properly assist you and extend more efficient services. Kailangan po natin magtulungan upang mas mapabuti pa ang aming pagse-serbisyo sa taumbayan,” aniya.
Bilang dagdag proteksyon, inilunsad ng DHSUD ang DREAM Tips para gabayan ang publiko sa tamang pagkuha ng real estate properties. Kabilang dito ang:
Demand for CR-LS (Certificate of Registration and License to Sell)
Read the contract to sell
Engage only registered agents/brokers
Ask questions bago bumili
Move to inspect the actual location.
Layunin ng kampanya na bigyan ng kapayapaan ng isip ang homebuyers at masiguro ang ligtas na pamumuhunan sa real estate. RNT/JGC