Ibinunyag ng isang opisyal ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ang resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon sa sparring incident na kinasasangkutan ng isang 17-anyos na babaeng yellow belter at isang mas mabibigat na lalaking black belter.
Nagtamo ang menor-de-edad na babaeng yellow belter ng mga pinsala matapos umanong isabak siya ng kanyang coach sa isang sparring session kontra sa isang lalaking black belter.
Sa report na inilabas, walang umanong nakitang indikasyon ang imbestigasyon ng PTA na gustong saktan ng coach ang yellow belter.
Sinabi ni PTA secretary general Rock Samson na natanggap din ng taekwondo body ang resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng Jesus Is Lord Colleges Foundation, at nirepaso ang mga practice videos.
“Actually, kung titingnan n’yong mabuti ‘yung video, hindi naman papunta ‘yung sipa sa mukha. It’s two body kick, dalawa papunta sa katawan. It just so happened na ‘yung second kick, padulas ‘yung bata kaya tumama siguro sa mukha, but again sa video na pinapanood ko, ‘di ko makita kung papaano tumama sa mukha kasi nakakaharang na ‘yung supposed to be nagre-referee sa kanila.”
Sa nasabing ulat, sinabi rin ng coach ng yellow belter na walang intensyon sa kanyang panig na saktan ang kanyang estudyante.
“Wala akong intensyon na ipabugbog ‘yung bata,” ayon sa coach.
“Expected na pagdating sa taekwondo na matatamaan talaga, masasaktan, mai-injury, matutumba. Lahat ‘yun normal, expected ‘yun kasi nasa physical sports tayo.”
Sinabi ng coach na karaniwan na rin sa isang atleta na lalaki at babae, kahit na magkaiba sila ng sinturon, ay magkalaban sa sparring.
Itinanggi rin niya ang mga alegasyon na nagseselos siya dahil may dalang bulaklak sa practice ang boyfriend ni ‘Cindy’ the yellow belter, at sinabing pinagalitan niya ang buong team dahil sa mga bagay na hindi inaasahan sa kanila.
Wala rin umanong katotohanan ang mga alegasyon na type niya si Cindy.JC