Home NATIONWIDE Resulta ng 2024 Shari’ah Bar Examinations ilalabas sa Hulyo

Resulta ng 2024 Shari’ah Bar Examinations ilalabas sa Hulyo

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Supreme Court (SC) na mailalabas ang resulta ng 2024 Shari’ah Bar Examinations (SBE) nang wala pang tatlong buwan.

Sinabi ni SC Associate Justice at Shari’ah Bar Chairperson Maria Filomena Singh na ilalabas ang resulta sa Hulyo at itatakda ang oath-taking sa Agosto.

Nasa kabuuang 853 examinees ang nakatapos ng dalawang araw na Shari’ah Bar examinations na isinagawa sa University of the Philippines sa Quezon City at sa Ateneo de Davao University sa Davao City.

Ang Shari’ah Bar ang professional licensure examination para makapagsanay ang Muslim professionals sa Shari’ah Courts sa ilalim ng Presidential Decree (P.D.) No. 1083 o ang Muslim Personal Laws in the Philippines. P.D. No. 1083.

Nakatutok ang naturang korte sa pagresolba ng legal conflicts gaya ng divorce, pagtatalo tungkol sa property o real estate, child support, mga tanong hinggil sa dowry, pagpapasya kaugnay sa degrees of affinity o consanguinity, paternity, at iba pang customary cases.

Sinabi ni Associate Justice Singh na ang 853 examinees ngayong taon ang pinakamarami sa kasaysayan ng Shari’ah Bar mula ng ikasa ito noong 1983.

Nagkaloob din ang SC ng financial assistance sa mga kwalipikado na overseas Filipino workers (OFW) na nais kumuha ng Shari’ah Bar.

“Among the most inclusive innovations in the 2024 Shari’ah Bar Examinations is the financial aid offered to overseas Filipino workers (OFWs) and indigent examinees. On July 4, 2023, the Supreme Court issued a Resolution authorizing the allocation of funds to OFWs from the Kingdom of Saudi Arabia to cover the airfare and accommodations of qualified applicants during 2024 SBE.”

Ayon sa SC, sakop ng pinansyal na tulong ang airfare at accommodation kung saan karamihan ay galing Saudi Arabia.

Plano rin ng SC na magtatag ng testing sites sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa partikular sa Middle East dahil na rin sa kahilingan ng OFWs. Teresa Tavares