MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na pinaghahanap ng mga awtoridad ng Beijing dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na sugal.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pasahero na si Huang Sen, 38, na naharang noong Enero 11 sa departure area ng NAIA terminal 1.
Nabatid na inaresto si Huang matapos makita ng opisyal ng BI na nagproseso sa kanya na ang kanyang pangalan ay positive hit sa Interpol derogatory system ng Immigration.
Ang red notice na nagresulta sa pagkaka-aresto kay Huang ay inisyu ng Interpol Beijing noong nakaraang taon ng Disyembre 4 sa hiling na din ng Chinese government.
Dinala nag inarestong dayuhan sa BI detention facility sa Taguig City habang hinihintay ang deportation nito.
“He will be deported for being an undesirable alien and placed in our blacklist of undesirable aliens to prevent him from re-entering the country,” ayon sa BI chief.
Ayon kay BI-Interpol unit acting chief Peter de Guzman, isang warrant para sa pag-aresto kay Huang ang inilabas ng public security bureau ng Luojiang district sa Deyang, China noong Agosto 27 noong nakaraang taon.
Sinabi ni De Guzman na nag-ugat ang kaso sa mga alegasyon na nakipagsabwatan si Huang sa iba pang mga suspek sa pagpapatakbo ng mga site ng ilegal na sugal sa Internet na tumutugon sa mga online na customer sa buong mundo.
Iniulat na nasa 70,000 mga tao ang ginamit na serbiayo ng isang gambling syndicate na nag-udyok sa higit sa isang milyong mga customer na Tsino na magsugal sa kanilang mga website.
Tinatayang higit sa 700 bilyong yuan, o US$95 bilyon, sa mga pondo sa pagsusugal ang nataya sa mga aktibidad sa pagsusugal na pinamamahalaan ng sindikato kung saan kumita ang huli ng hindi bababa sa 2 bilyong yuan, o US$272 milyon na kita.
Tinukoy ng mga awtoridad ng China si Huang bilang ang sinasabing pinuno ng betting department ng nasabing sindikato. JR Reyes