MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng Interpol.
Kinilala ng BI ang suspek na si Yun Daeyoung, 50 taong gulang, na inaresto noong Enero 11, nang tangkain nitong umalis ng bansa sakay ng Vietnam Airlines patungong Hanoi.
Nabatid na sa isinagawang primary inspection, lumabas ang Interpol hit sa sistema ng BI kaya agad itong isinailalim sa secondary inspection.
Kinumpirma naman ng BI-Interpol unit na si Yun ay saklaw ng isang aktibong Interpol Red Notice, dahilan upang agad siyang arestuhin ng mga opisyal ng BI.
Ayon kay BI Interpol Chief Peter de Guzman, sasampahan si Yun ng kasong undesirability alinsunod sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Batay sa rekord ng Interpol, sangkot umano si Yun sa mga gawaing money laundering na may kaugnayan sa isang goods purchase fraud syndicate sa South Korea.
Nililinlang umano ng suspek ang kanyang biktima sa pamamagitan ng maling pangako ng bahagi sa kikitain ng isang online shopping mall, dahilan upang makuha nito ang halagang 22,550,204 Korean won o mahigit ₱900,000.
Dagdag pa rito, umabot umano sa kabuuang 140,748,319 Korean won o tinatayang ₱5.7 milyon ang halagang nakuha ni Yun mula sa parehong biktima sa pamamagitan ng 24 na magkakahiwalay na transaksyon.
Ang naturang krimen ay saklaw ng Criminal Act ng South Korea at may parusang hanggang 10 taon na pagkakakulong. Isang warrant of arrest kaugnay ng kaso ang inilabas ng Daegu District Court noong Hulyo 2025.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pag-aresto ay patunay ng matibay na paninindigan ng ahensiya laban sa transnational crime at sa mga puganteng umiiwas sa hustisya. JAY Reyes