MANILA, Philippines-Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng South Korean na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa mga fraudulent investment scams.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang 42-anyos na pasahero ay hinarang sa pag-alis ng bansa sa NAIA 3 terminal noong Hunyo 18 nang sasakay sana siya ng Cebu Pacific flight papuntang Hanoi.
Nabatid na pinababa ang nasabing dayuhan mula sa kanyang flight matapos makita ng BI officer na nagproseso sa kanya na ang pasahero ay may record sa derogatory check system na nagpapahiwatig na siya ay subject ng isang blue notice mula sa Interpol.
Itinago ang pagkakakilanlan sa babaeng dayuhan alinsunod sa umiiral na mga protocol ng Interpol sa mga taong napapailalim sa mga blue notices.
Inihayag ni Tansingco na bukod sa nasa watchlist ng Interpol, naiulat din sa Interpol na ang passport ng pasahero ay nawala at ninakaw.
“She will thus be deported for being an undesirable and undocumented alien after which she will be placed in our blacklist and banned from re-entering the country,” ayon sa BI chief.
Ayon sa BI-Interpol, sangkot umano sa panloloko ang dayuhang babae noong 2019 sa kanyang mga kababayan sa isang investment scam kung saan nagawa nitong akitin ang mga biktima na ideposito ang kanilang pera sa sarili nitong bank account.
Pinangakuan umano ng suspek ang mga biktima ng malaking kita sa kanilang mga puhunan na iginiit ng suspek na gagamitin niya bilang kapital para sa kanyang negosyong pagpapautang.
Hindi naman tinupad ng suspek ang kanyang pangako at ang mga pinagsamang pagkalugi ng mga biktima ay iniulat na umabot sa higit sa 385 milyong won, o humigit-kumulang US$277,000.
Bukod pa umano dito na mula 2018 hanggang 2019, nalinlang din ng dayuhang babae ang 10 iba pang biktima kung saan nagbukas siya ng joint bank account matapos na mangakong babawiin nila ang kanilang pera, kasama ang interes, sa staggered basis kada dalawang buwan.
Sa halip, tumakas ang suspek dala ang pera ng mga biktima matapos mag-deposito ang huli na 60,000,000 won, o humigit-kumulang US$43,000. JAY Reyes