Home METRO Pulis binaril ng kabaro, patay!

Pulis binaril ng kabaro, patay!

MANILA, Philippines- Patay ang isang pulis matapos barilin ng kanyang kabaro sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo nitong Lunes ng tanghali (Agosto 7) sa Taguig City.

Kinilala ni Taguig police chief P/Col. Robert Baesa ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped habang ang suspek naman ay kinilalang si Police Chief Master Sergeant Alraquib Aguel.

Base sa nakalap na report ni Baesa, nangyari ang insidente bago magtanghali dakong alas-11:30 ng umaga sa loob ng tanggapan ng Office of Community Affairs Section (OCAS) ng Taguig City police na matatagpuan sa Taguig City hall compound, Gen. Luna St. Barangay Tuktukan, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ay dumating sa kanilang opisina si Aguel kung saan inabutan niya ang biktimang si Saguiped at ilang minuto lamang ay nagkaroon na sila ng mainitang pagtatalo.

Kasunod ng kanilang pagtatalo ay pinutukan na ni Aguel si Saguiped na agad na binawian ng buhay habang sugatan naman ang isa pang pulis na kinilalang si P/Corporal Alison Sindac na tinamaan ng ligaw na bala at naiulat na nasa kritikal na kondisyon sa kasalukuyan sa hindi nabanggit na ospital.

Samantala, ang suspek na si Aguel ay sugatan din matapos barilin ng isa pang pulis, na sa palagay niya ay siya ang isusunod na target ng suspect, para mahinto ang ginawang paghahasik ng takot sa kanyang mga kasamahan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Taguig City police upang matukoy ang pinagmulan ng mainitnang pagtatalo ng biktima at ng suspek na nauwi sa barilan sa kanila mismong opisina. James I. Catapusan