Home NATIONWIDE Mga indibidwal na tutulong sa nuisance candidates, pinakakasuhan

Mga indibidwal na tutulong sa nuisance candidates, pinakakasuhan

MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Commission on Elections Chairman George Garcia ang paghahain ng conspiracy complaints laban sa mga manghihikayat at magpopondo sa mga kandidatong panggulo upang tumakbo sa pwesto.

Bukod pa ito sa diskwalipikasyon ng mga nuisance candidate at kanilang mga sponsor, ayon kay Garcia.

Sinabi pa ni Garcia na ang kriminalisasyon, ang banta ng perpetual disqualification, at ang kasong conspiracy sa paghahain ng nuisance candidacy ay deterrents hindi lamang sa sa mga panggulong kandidato kundi maging sa kanilang mga principal.

Sa imbestigasyon sa senado sa pagkamatay ni dating Negros Oriental Ruel Degamo, iminungkahi ni Garcia ang tatlo hanggang anim na taong pagkakakulong o P500,000 multa sa sinumang indibidwal na matutuklasang nuisance candidate.

Ang parusang iminungkahi ng Comelec chair ay higit na mataas kaysa sa iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na naglalayong parusahan ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong at P50,000 na multa ang mga nuisance candidate.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang halaga ng parusa ay dapat depende sa posisyon na kanilang tatakbuhan.

Kabilang sa mungkahing criteria na dapat isaalang-alang sa pagtukoy sa nuisance candidate ay: walang affiliation sa isang political party, walang kapasidad na magsagawa ng kampanya, kasaysayan ng politika, at kita. Jocelyn Tabangcura-Domenden