Bulacan – Patay ang motorcycle rider matapos aksidenteng masagasaan ng kasalubong na tricycle sa bayan ng Hagonoy.
Kinilala ng pulisya ang nasawing si Ericson Alcantara, 37, may-asawa, residente ng Brgy. San Isidro, Paombong habang ang nakabanggaan ay si Kurt Ruzel Monteclaro, 22, binata ng Brgy. Sto Rosario.
Sa report ng Hagonoy police station, nangyari ang insidente bandang 10:30 ng gabi nitong Mayo 12 sa Brgy. San Pedro.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng tricycle driver ang northbound nang mag-overtake sa isang bus na nagbaba ng pasahero at lamunin ang kabilang linya.
Sa hindi inaasahan, nagkabulagaan at nakabanggaan niya ang kasalubong na Honda XRM motorcycle rider na si Alcantara na humampas sa kalsada at tuluyang pumailalim sa tricycle.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na dinala ng rumespondeng rescue team sa Emilio Perez District Hospital subalit binawian na ng buhay.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang naarestong tricycle driver na nakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III