Home METRO Pulis na nanuntok ng kasamahan, kinasuhan

Pulis na nanuntok ng kasamahan, kinasuhan

CEBU CITY- Nanganganib na masibak sa serbisyo ang isang rookie cop matapos suntukin ang kasamahan nito na umayaw sa inuman noong Miyerkules sa lungsod na ito.

Dinakip ng mga tauhan ng Abellana Police Station, Special Weapons and Tactics team, at City Mobile Force Company ang suspek na si Police Patrolman Louie Sequito, 29-anyos, tubong-Iloilo City matapos ireklamo ni Police Patrolman Zusime Brix Canete Peñaflor, 25, tubong-Bacolod City.

Ayon kay Police Major Mark Don Alfred Leanza, hepe ng Abellana Police Station, bandang alas-10 ng gabi ay lumabas si Peñaflor ng kanyang boarding house para mag-withdraw ng pera sa Automated Teller Machine (ATM).

Habang naglalakad si Peñaflor, nakita nito si Sequito at mga kaibigan na nag-iinuman sa gilid ng kalsada kaya binati niya ang mga ito hanggang sa inimbitahan na rin siyang tumagay

Pinagbigyan ni Peñaflor ang grupo ni Sequito at nakitagay na rin ito ng dalawang baso saka nagpaalam na kailangan na niyang umalis dahil kailangan niyang maka-withdraw ng pera.

Habang naglalakad siya sa isang kalsada, napansin ni Peñaflor na sinundan siya ng suspek at bigla siyang sinuntok sa ulo.

Inakusahan din ni Peñaflor si Sequito na tinutukan siya ng baril.

Sinabi ni Peñaflor na binantaan siya ng suspek sa pagsasabing: “Papelan mo ko para malaman mo (Magsampa ng kaso at malalaman mo ba).”

Hindi naman nagpasindak si Peñaflor at agad siyang humingi ng tulong sa Abellana.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente naabutan pa nilang ang suspek na umiinom at lasing. Mary Anne Sapico