MANILA, Philippines – Isang police officer ang nanaksak sa kapwa niyang pulis nitong Martes ng umaga habang pareho silang nasa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City, kaugnay ng P13.45-milyong kasong pagnanakaw, ayon sa ulat ng pulisya.
Naganap ang insidente sa kusina ng pasilidad, kung saan nakakulong ang anim na pulis bago ang kanilang preliminary investigation sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa ulat, nauna umanong pumasok sa kusina ang biktimang executive master sergeant, kasunod ang suspek na senior master sergeant.
“[The senior master sergeant] suddenly drew a kitchen knife. Upon noticing this, [the executive master sergeant] rushed toward [him] and embraced him in an attempt to restrain him,” ayon sa police report.
“However, while in that position, [the senior master sergeant] stabbed [the executive master sergeant] in the back,” dagdag pa nito.
Agad na isinugod ang biktima sa PNP General Hospital at kasalukuyang inoobserbahan dahil sa pagkawala ng dugo.
Batay sa paunang imbestigasyon, iniulat ng bantay ang “sudden change in behavior” ng suspek noong umagang iyon.
Ang kutsilyo na ginamit ay nakuha at isinailalim sa forensic examination, habang nananatili sa kustodiya ang suspek at maaaring sampahan ng kasong kriminal at administratibo.
Isasailalim din siya sa medical at psychological evaluation.
Ang anim na pulis ay pawang miyembro ng CIDG Anti-Organized Crime Unit (AOCU) at inaakusahan ng pagkuha ng P13.451 milyon mula sa cash na nakumpiska sa raid noong Oktubre 2024 laban sa isang umano’y POGO sa Bagac, Bataan. RNT/MND