Home OPINION PULIS, PULIS, PULIS

PULIS, PULIS, PULIS

MAGKAKASUNOD ang mga kontrobersya na kinasasangkutan ng ilang tauhan ng Philippine National Police.

Una, binaril at pinatay ng anim na Navotas City police si Jemboy Baltazar sa ilog sa lugar noong Agosto 2, 2023 sa kasong mistaken identity.

Sinibak sa pwesto ang mga tauhan ni Col. Allan Umipig na nasibak din naman dahil sa command responsibility, pag-cover up sa kanyang mga tauhan, palpak na body camera, pagpapalabas na may dalang droga at baril si Jemboy at pag-iwan sa bangkay ni Jimboy sa tubig.

Ikalawa, Agosto 8 nang saktan at kasahan naman ng baril ang isang motorcycle rider sa Rotunda, Quezon City ng nasibak nang pulis na si Willy Gonzales na isa palang co-terminus staff ni Supreme Court Associate Justice Ricardo Rosario at sinibak na rin ng SC nitong Agosto 27.

Ikatlo, Agosto 20 naman nang pinatay ng nakasibilyang pulis na si Police Corporal Arnulfo Sabillo, kasama ang isang sibilyan, ang tinedyer at estudyanteng si John Frances Ompad sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Tila nagtsekpoint umano nang hindi nakauniporme naman si Sabillo at nang mamaril, natamaan si Ompad.

Ikaapat, itinulak para matumba at pinagtatadyakan ang isang 15 anyos na umano’y nagnakaw ng cellphone sa Navotas City pa rin ng mga miyembro ng PNP-Maritime Group noong Agosto 25.

Ikalima, Agosto 25 naman nang mahulicam si PSSg. Marsan Dolipas, ng Pasay City police, na may hawak na baril habang dinadaganan o pinipigilan ang nakaengkwentrong nagpakilalang isang ISAFP agent na si Angelito Velasquez Rencio sa Osmeña Highway, sakop ng Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Idineklara ng Armed Forces of the Philippines na wala silang miyembro na tulad ni Rencio.

Sinibak naman kaagad ni NCRPO chief Brig. Gen. Melencio Nartatez Jr. sina Capt. Edison Mabaet, commander ng Makati Police Substation 3 at Staff Sgt. Reynald Matabang sa pagpakawala kay Rencio na nagsabing kukunin lang nito ang papeles ng kanyang baril nang walang kaukulang pag-iimbestiga.

Ikaanim, kusang nagbitiw naman sa tungkulin si Quezon City Police Office Director BGEN. Nicolas Torre III kamakalawa, Agosto 30, makaraan batikusin ito sa tila pagpanig kay Gonzales sa press conference na idinaos nito noong Agosto 27.

Katwiran ni Torre, ayaw nitong madamay ang buong PNP sabay pag-amin na siya’y nagkamali.

NAGKADAMAY-DAMAY

Akalain ba nating nagkadamay-damay na ang lahat dahil sa naturang mga pangyayari.

Umabot na nga ang mga pagkondena sa social media sa buong kapulisan sa ilalim ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. at pagsasabing “ganyan lahat ang mga pulis.”

Saksi naman tayo sa katotohanang sa mahigit 221,000 pulis at kakaunti lang ang mga sangkot sa mga kontrobersya.

At umaaksyon talaga ang liderato ng PNP sa mga pagkakamali ng mga tauhan nito o sariling pagkakamali gaya ng sa kaso ni Gen. Torre.