MANILA, Philippines – Kinondena ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre ang pagkalat ng peke at misleading na mga content patungkol sa mga pagbaha sa National Capital Region.
Ayon kay Torre, humingi na siya ng tulong sa Philippine National Police (PNP) para mag-imbestiga rito.
Si Torre, dating PNP chief, ay nagsabing minomonitor nila ang mga pagbaha kasunod ng mga bagyong Luis, Maymay, at ang Habagat.
Aniya, maraming mga lugar na dating binabaha ang ngayon ay hindi na nakaranas ng pagbaha.
“There are really improvements, but there are people that do not want to accept that this is happening,” sinabi ni Torre.
Sinabi pa niya na ilang mga tao ang nagsasabing walang ginawang tama ang gobyerno, kaya’t naglalabas ito ng mga peke o lumang video at larawan.
“May mga outright, downright na talagang ang ginawa ay nag-manufacture ng AI-generated na mga pictures na pinalalabas na may baha rito at puno pa ng basura, etc. This is downright criminal, very, very malicious kaya we are coordinating with the PNP and the DICT-CICC (Department of Information and Communications Technology-Cybercrime Investigation and Coordinating Center) for the investigation of this,” ayon kay Torre.
Batid naman ni Torre na maraming mga basura ang inanod sa tuloy-tuloy na pag-ulan kung kaya’t nagpadala na sila ng mechanized trash collector upang makatulong sa paglinis sa lugar. RNT/JGC